Patay ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng suspek gamit ang tari sa panabong na manok habang nasa isang lamay sa Barangay Umanday sa Bugallon, Pangasinan.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Manuel Sapigao, 52-anyos.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek pero kinalaunan ay nakapagpiyansa na si Dennis Victorio, 40-anyos.
Ayon sa anak ng biktima, magkasama ang kaniyang ama at ang suspek na galing sa isang sabungan at parehong nanalo.
Pagkagaling sa sabungan, nagpunta naman sa lamay ang dalawa para magsugal muli pero kapuwa sila natalo, at nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan.
"Para sa sugal ulit ng baraha. Nagkaroon sila ng initan kasi natalo na sila, parehas silang talo nung pumatay sa kaniya,” ayon kay Louella Gabriela Sapigao, anak ng biktima.
Naawat umano ng mga tao sa lamay ang dalawa at umalis ang suspek. Pero nang bumalik, doon na niya pinagsasaksak ang biktima.
"Nasa mahigit 22 saksak ang [natamo] ng father ko... mayroong medico legal,” sabi pa ni Louella.
Ayon sa pulisya, parehong nakainom ang suspek at biktima nang mangyari ang krimen.
"Sinasabi nila misunderstanding at medyo lasing ang dalawang panig kaya nagkainitan, although na-pacify ng mga kasama nilang nag-attend,” sabi ni Police Major Ramsey Ganaban, Officer-in-Charge ng Bugallon Police Station.
Bagaman nakapagpiyansa, sinampahan ng kasong homicide ang suspek.--FRJ, GM Integrated News