Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin habang sakay ng motorsiklo sa Tiaong, Quezon.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing 40-anyos ang biktima na pauwi na sa Tiaong, Quezon noong Huwebes.
Galing umano sa Batangas ang biktima kung saan caretaker ito sa isang sabungan.
Ayon sa pulisya, dalawang suspek na sakay din ng motorsiklo ang malapitang bumaril sa biktima.
Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos maisagawa ang krimen.
"Based sa witness namin, parang magkakasama din sila sa sabungan. Pero 'yon 'yung tinitingnan natin na baka inabangan o inuhan or sinundan after nilang magsabong," ayon kay Police Lieutenant Colonel Daniel Camposo, hepe ng Tiaong Police Station.
Personal na away ang isa sa tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen dahil mayroon umanong pagkakautang ang biktima na hindi nababayaran sa sabungan.
Mayroon na rin umanong person of interest ang pulisya sa krimen. -- FRJ, GMA Integrated News