Patay ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo nang sumalpok sila sa nakasalubong na tricycle sa pakurbang bahagi ng kalsada sa San Jacinto, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Santa Maria sa San Jacinto.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita na nasa tamang linya ng pakurbang kalsada ang tricycle nang dumating ang motorsiklo na sinasakyan ng mga nasawi na nasa kabilang linya.

Pero napunta ang motorsiklo sa linya na tinatahak ng kasalubong na tricycle kaya nangyari ang salpukan.

Nasawi ang dalawang sakay ng motorsiklo na kinilalang sina Jeffrey Tabadero, 26-anyos, at Cyrus Castillo, 17, na kapuwa residente ng Manaoag.

Ayon kay Police Corporal Noel Dumayas, Deputy Chief ng San Jacinto Police, sugatan naman ang dalawang sakay ng tricycle.

Hinihintay pa ng awtoridad na bumuti ang kalagayan ng mga nasugatan para ipagpatuloy ang kanilang imbestigasyon at kung ano ang mapagkakasunduan sa pamilya ng mga nasawi.

Wala pang pahayag ang mga kaanak ng mga sangkot sa insidente.-- FRJ, GMA Integrated News