Patay ang isang pulis, habang sugatan ang isa niyang kasamahan matapos na salpukin sila ng isang pick-up truck habang nakapuwesto sa isang police checkpoint sa Silang, Cavite.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Aguinaldo highway sa bahagi ng Barangay Tubuan-Dos dakong 3 a.m. nitong Linggo.

Kinilala ang nasawi na si Patrolman John Carl Austria Delyola, na nakaladkad pa ng pick-up truck na lasing umano ang nagmamaneho.

Miyembro si Delyola ng 401st A Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion CALABARZON,

"Mabigyan po hustisya pagkamatay ng anak ko. Talagang hindi po namin matanggap,” ayon kay Ariel na ama ng biktima.

Sugatan naman sa naturang insidente si Police Corporal Adriene Atienza.

Naaresto ang driver ng sasakyan na si Jemuelle Bernardo Belen, 22-anyos, na lumilitaw sa imbestigasyon na lasing nang mangyari ang insidente, ayon kay Police Lieutenant Colonel Louie Gonzaga, hepe ng SIlang police.

Napag-alaman din na nasangkot na sa katulad na insidente ang suspek noong 2021.

Tumanggi naman si Belen na magbigay ng pahayag.

Nahaharap siya sa mga reklamong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries, damage to property at paglabag sa Anti Drunk and Drugged Driving Act.—FRJ, GMA Integrated News