Nasawi ang isang 46-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin habang nakaupo sa labas ng isang rest house sa Real, Quezon.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si April Ebardoname, na malapitang pinagbabaril sa rest house ng kaniyang kaibigan sa Barangay Poblacion Uno nitong Martes ng hapon.
Nakatakas ang mga salarin na sakay ng motorsiklo.
"Naka-black 'yung ating suspek at [yung] driver ng motorcycle naka-black din at naka-cap na black," ayon kay Police Captain Leonardo Tolentino, hepe ng Real Police Station.
Isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga awtoridad sa krimen ang ilegal na droga.
"Ito ay involved, si ano... [sa isa mga sangkot], sa kalakalan ng droga dito sa Reina area," ayon kay Tolentino, na sinabing may person of interest na sila sa kaso.
Kabilang naman sa iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaibigan ng biktima na nakasaksi sa krimen.
"Ito naman si Allan Coronado ay nasa himpilan ng pulisya, dahil nung nag-request tayo sa kaniya na i-search yung kaniyang gamit dahil naabutan namin siya na papaalis na nu'ng kami'y dumating at naglalagay na siya ng mga gamit sa sasakyan niya," sabi pa ni Tolentino.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng nasawi habang patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad. --FRJ, GMA Integrated News