Patay sa pamamaril ang OIC barangay chairman ng Barangay Canlubang sa Calamba, Laguna, ayon sa ulat sa 24 Oras Weekend.
Base sa police report, tinambangan ng riding-in-tandem ang biktimang si Mario Cogay sa balkonahe ng kanyang bahay.
Nagtamo siya ng tama ng bala sa leeg, ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Dead on arrival siya sa ospital.
Noong nakaraang eleksyon, si Cogay ang numero uno sa mga nanalong konsehal o kagawad. Pero hindi siya agad nakaupo dahil sa kinaharap na disqualification case.
Nang na-dismiss ang kaso, at dahil hindi pa rin makaupo ang nanalong kapitan na may kinakaharap ding hiwalay na disqualification case, nanumpa si Cogay bilang OIC chairman nitong January 10.
Ayon sa kanyang mga kaanak, dati nang nakatanggap ng banta sa buhay si Cogay.
Politika ang nakikita nilang motibo.
Kinondena ng Calamba City LGU ang nangyari at naglaan ng kalahating milyong pisong pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga salarin. — BM, GMA Integrated News