Pinepeste ng sangkaterbang langaw ang Sitio Pulang Panyo sa Barangay San Jose, Antipolo City.
Pagpasok ng GMA Integrated News sa ilang bahay, nagliliparan at nagkukumpulan ang mga langaw sa kusina, mga kaldero, lutuan, kama, basurahan at hapagkainan.
Ang sugat ng ilang residente, hindi na raw gumagaling dahil anila sa impeksyong dulot ng mga langaw sa kanilang lugar.
Ang residenteng si Eva Baluyan at Analyn Arguilles, sa loob na lang daw ng kulambo kumakain at natutulog para lang hindi madapuan ng langaw ang kanilang kinakain at habang sila’y natutulog.
Literal na nilangaw din ang karinderya ni Edwin Landero dahil hindi na makakain ang mga customers sa dami ng langaw kaya’t napilitan na lang silang isara ito.
Ang ginang na si Merlinda Ramos, imbes na ipambili ang P100 sa pagkain ng mga anak, ibinibili na lang niya ito ng apat hanggang limang fly trap kada araw dahil sa dami ng langaw sa kanilang bahay.
Halos hindi na nga magkasya sa fly trap ang mga langaw sa dami nito.
Pati ang canteen ng old Boso-Boso Elementary School kung saan pa naman niluluto ang mga pagkaing ibinibenta sa mga bata, hindi rin nakaligtas sa langaw.
Ayon sa mga residente, nararanasan nila ito tuwing harvest time ng poultry farm na sakop ng Sitio Kaysakat, Barangay Pinugay, Baras, Rizal.
Panawagan nila, aksyonan na ito ng lokal na pamahalaan.
Noon pa raw nila ito inireklamo pero nagpapabalik-balik lang ang problema sa langaw.
Ayon kay Relly Bernardo, public information officer ng Antipolo City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), June 2023 nang imbestigahan ng lokal na pamahalaan ng Antipolo ang poultry farm dahil sa mga reklamo.
Lumabas daw dito na hindi natupad ng poultry farm ang ilang ipinangako nilang mga hakbang para mawala ang problema ng langaw sa lugar.
“Doon po lumalabas na 'yun pong kanilang mga naipangako na gagawing interventions para mabawasan or mawala na po 'yung problema doon sa mga langaw sa area ay meron po silang hindi natupad or nagawa," ani Bernardo.
Iniakyat daw nila ang kanilang report sa Provincial Government ng Rizal.
Ang municipality ng Baras naman na nag-issue ng business permit sa poultry farm, tatlong beses na raw nag-inspeksyon sa nasabing poultry farm simula noong 2019.
Ayon kay Baras Rural Sanitation Inspector Eldito Asistol Jr., noong ininspeksyon daw nila ito noong Agosto 2023, minimal lang ang mga nakita nilang langaw sa farm. Gayunpaman, nagbigay sila ng ilang rekomendasyon para matugunan ang problema sa langaw.
“May naririnig na po kaming reklamo tapos pagpunta po namin doon, wala namang flies, ma’am, eh. Talagang minimal lang talaga. Siguro nakapag-ani na sila noon," ani Asistol.
“'Yung mga insecticide nila talagang imported po talaga eh para ma-mitigate nila 'yung fly control. Siguro lang po nasa sistema lang siguro para po maitama 'yung pag-eliminate ng mga langaw," dagdag niya.
Nagbabahay-bahay naman daw ang mga tauhan ng poultry farm para mag-spray ng pamatay-langaw pero natigil ito nang magreklamo ang isang residente at sinabing masakit ito sa dibdib ang amoy.
Ininspeksyon na ng barangay ang poultry. Nakausap na raw nila ang may-ari at sinosolusyonan na raw ang problema.
Nagpunta ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City at municipalidad ng Baras sa poultry farm nitong Biyernes pero hindi raw sila pinapasok.
Gagawa raw ng report ang Antipolo CDRRMO para irekomenda sa Baras LGU na huwag nang i-renew ang business permit ng poultry farm.Pinuntahan naman ng GMA Integrated News ang poultry farm para kunin ang kanilang panig, pero ang mga tauhan lang nito ang humarap sa amin at sinabing wala roon ang may-ari. —KG, GMA Integrated News