Nagkabutas-butas, nagkandapunit at kumupas ang P34,000 halaga ng perang papel at barya na inipon ng isang mag-asawa sa PVC pipe para sana sa pagpapagamot ng kanilang anak sa Naic, Cavite.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabi ng mag-asawa na isang taon nila itong matiyagang inipon.
"Nag-iipon po kami kasi 'yung isa kong anak, mayroon siyang problema sa heart. Nag-decide kami na i-open bago mag-Christmas kasi sunod-sunod 'yung pagkakasakit ng anak ko," sabi ni Ma. Louiena Lopez.
"Pagka-open namin, nadismaya kami kasi bakit gano'n? Bakit butas-butas na, inamag, may basa-basa pa?" pagpapatuloy niya.
Galing sa sahod ng kanilang padre de pamilya ang naipong pera at itinabi nila ito sa alkansiyang gawa sa PVC pipe.
Dahil waterproof, inakala ng mag-asawa na ligtas doon ang mga perang papel, at doon na rin nila inihulog ang mga extra nilang barya.
Ngunit maging ang mga barya ay nangitim at kumupas.
"'Pag naglalagay kami ng pera, tinatakpan din po namin ng tape para wala pong makakasingaw na butas. Baka po nag-moist po siya sa loob, na hindi namin alam kung bakit nagka-gano'n," sabi pa ni Lopez.
Mula sa mga nasira, P19,000 ang agad napalitan ng bangko, habang kasalukuyang pinoproseso ang kapalit ng bills na matindi ang sira.
Mas ikinasakit pa ng pamilya na nawalan na sila ng perang pampagamot, sila pa ang binabatikos nang mag-viral ang video ng kanilang sirang bills.
"Nasunog daw po 'yun. Kung nasunog 'yan eh 'di sana lahat sunog. Wala naman po sa intensyon namin na sirain 'yun. Sino ba naman pong tao na magsisira ng pera? Kaya nga po nag-iipon," sabi ni Lopez.
Hindi pa rin nila naidadala sa ospital ang kanilang anak na maysakit.
Umaasa silang mapabibilis ang pagpapapalit ng nasirang bills para maipagamot pa rin nila ang batang maysakit sa puso.
"Kung mag-iipon po tayo, siguraduhin po natin 'yung pag-iipunan po natin, nasa safe po siya. Mas mabuti na rin po, ilagay natin sa bangko," sabi ni Lopez. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News