Kalunos-lunos ang sinapit ng pitong-taong-gulang na babae na tinangkang itago ng salarin ang bangkay sa loob ng isang kuweba sa Lucban, Quezon.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na may busal sa bibig at nakagapos nang makita ang katawan ng bata na tinakpan ng mga bato sa loob ng kuweba sa Barangay Lalola.

May indikasyon din na pinalo ng matigas na bagay sa ulo ang biktima, at hinihinala rin na pinagsamantalahan ang bata.

Ayon kay Police Major Marnie Abellanida, hepe ng Lucban Police Station, hinihintay pa nila ang resulta ng awtopsiya sa bangkay ng biktima.

Bago ang krimen, naglalaro lang umano ang biktima sa lugar pero hindi na nakauwi ang bata noong Sabado ng gabi. Kinabukasan ng Linggo ng umaga, natagpuan ng mga naghahanap na kamag-anak ang bangkay ng bata sa loob ng kuweba.

Sa loob ng kuweba, may naiwang damit at sumbrero na naging daan para matukoy ang 33-anyos na suspek na kapitbahay ng biktima.

Ayon kay Abellanida, natandaan ng ina ng biktima kung sino ang nakita niyang nagsusuot ng damit at sumbrero.

"Nabanggit ng mother na 'yan nakikita ko 'yan kasi nga kapitbahay sila. [Nakikita] raw na sinusuot. Yung kuwan naman yung magsu-support pa rin naman siya if ever kapag lumabas na yung DNA testing," sabi ng opisyal.

Sinampahan ng reklamong rape with homicide ang suspek, na sinisikap pang makuhanan ng pahayag, pati ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.

Noong nakaraang linggo, isang pitong-taong-gulang na babae rin ang pinaslang at nakita ang bangkay sa masukal na lugar sa Sariaya.

Sumuko kinalaunan ang 23-anyos na suspek na nagsabing nagdilim ang kaniyang paningin at inakalang manika ang bata na kaniyang binugbog hanggang sa mapatay.-- FRJ, GMA Integrated News