Patay ang isang negosyante matapos barilin nang malapitan sa likod ng ulo habang may kausap sa isang parking area sa Tagum City, Davao del Norte.
Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Lunes, makikita sa video na may kausap ang 45-anyos na biktima habang nakatayo sa gilid ng SUV nang lapitan siya ng salarin at basta na lang binaril.
Tumakbo ang kausap ng biktima, habang tila kinapkapan ng salarin sa nakahandusay na negosyante.
Tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo na minamaneho ng kaniyang kasabwat.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.-- FRJ, GMA Integrated News