Patay na at may mga saksak sa katawan an ng matagpuan sa kaniyang bahay ang isang dentista na barangay kagawad din sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Dr. Ting Bolor, 63-anyos, ng Barangay San Vicente Central.

Ayon sa pulisya, Linggo ng umaga nang madiskubre ang katawan ng biktima. Pagnanakaw ang unang nakikitang motibo sa krimen dahil nagkalat ang gamit ng biktima.

Nawawala rin ang CCTV unit sa bahay ng biktima na hinihinalang tinangay ng salarin.
"Mas madalas daw po doon siya natutulog sa may clinic din niya. Kasi ano din po niya yon, ang alam ko yun ang rehistrado niya na residence. Kaya lang hindi lang naman yon ang kaniyang bahay," ayon kay Police Captain Michelle Selda, hepe ng PIO, Oriental Mindoro PPO.

Nag-alok naman ang Calapan City government ng P200,000 pabuya sa sino mang makatutulong para mahuli ang salarin.

"Ito ay isang matinding paglabag sa karapatang pantao. Anumang impormasyon na makakatulong upang madakip ang may sala o kriminal ay ipagbigay-alam sa aking tanggapan," panawagan ni Calapan Mayor Malou Morillo.--FRJ, GMA Integrated News