Isang linggo makaraang patayin ang isang pitong-taong-gulang na babae sa Sariaya, Quezon na napagkamalan umanong manika, isang pitong-taong-gulang na babae naman ang nakita ang bangkay sa loob ng isang kuweba sa Lucban sa Quezon din.
Ayon sa awtoridad, ilang oras nang nawawala ang biktimang Grade 2 pupil bago natagpuan sa loob ng isang kuweba ang kaniyang bangkay sa Barangay Palola nitong Linggo.
Kuwento ng tiyuhin ng biktima, hindi na nakauwi sa kanilang bahay ang biktima noong Sabado ng gabi.
Kasama ang pamangkin, hinanap nila ang biktima sa magubat na bahagi ng barangay hanggang sa makita nila ang suspek na si Noel Bojildador Diaz, 33-anyos, na nanggaling sa loob ng isang kuweba na may dala umanong panghukay.
Nang makaalis ang suspek, pumasok sila sa kuwebe at doon na nakita ang bangkay ng biktima na natatabunan ng mga bato. Nakita rin ang tsinelas ng bata sa lugar.
Kaagad na nakipag-ugnayan ang tiyuhin sa barangay, na sila namang nakipag-ugnayan sa pulisya para madakip ang suspek.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Noong nakaraang linggo, isang pitong-taong-gulang na babae rin ang pinaslang at nakita ang bangkay sa masukal na lugar sa Sariaya.
Sumuko kinalaunan ang 23-anyos na suspek na nagsabing nagdilim ang kaniyang paningin at inakalang manika ang bata na kaniyang binugbog hanggang sa mapatay.-- FRJ, GMA Integrated News