Huli-cam ang mga pagnanakaw sa dalawang tindahan ng milk tea sa Bulacan at Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.

Sa Quezon City, sinira ng mga salarin ang padlock at tinangay ang nasa P5,000 kita ng tindahan.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nakatambay ang isang lalaki sa labas ng milk tea shop sa Barangay Ramon Magsaysay. Maya-maya pa ay sinira niya ang padlock ng pintuan gamit ang screwdriver.

Nahuli rin sa isa pang CCTV ang pagpasok ng suspek sa loob ng tindahan at ang pagtangay niya sa perang nasa drawer.

Isang empleyado ng milk tea shop ang nakadiskubre sa nangyaring pagnanakaw. Laking gulat daw niya nang abutang bukas na ang pinto ng tindahan at nakapatay ang ilaw sa loob.

Sa Sta. Maria, Bulacan naman, ninakaw nitong Linggo ng umaga ang makinang cup sealer na ginagamit sa negosyo.

Kuha sa CCTV kung paano ito pinasok ng isang suspek na may dalang flashlight. May isa pa raw suspek na nagsilbing lookout sa labas.

Kuwento ng may-ari, nadiskubre niya ang pagnanakaw nang may magpadala ng mensahe sa social media page na nagsasabing nakabukas ang milk tea shop.

"Pagdating d'un ng misis ko, vini-view ko sila sa live, naka-scatter na 'yung mga gamit sa loob tapos 'yung sealer nga nawawala. 'Yun lang ang nakuha, 'yung cup sealer," sabi ng may-ari ng milk tea shop. 

Hinala pa ng may-ari, dating mga kustomer ng milk tea shop ang mga suspek.

Nai-report na ang parehong insidente sa pulisya. —KBK, GMA Integrated News