Natagpuang patay at may saksak sa katawan ang isang 19-anyos na lalaking person with disability (PWD) sa sa gilid ng creek sa Daraga, Albay. Ang suspek sa krimen, isang 14-anyos na lalaki na kakilala ng biktima.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Miyerkules, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa gilid ng creek sa Barangay Anislag.

Naging person of interest ng mga awtoridad ang 14-anyos na lalaki na nakitang huling kasama ng biktima bago natagpuan ang bangkay nito.

Nang tanungin ng mga awtoridad ang binatilyo, inamin umano nito ang krimen.

Base sa imbestigasyon, nagkapikunan ang dalawa na humantong sa pananaksak ng binatilyo sa biktima gamit ang gunting.

"Nabiro siya, nag-react siya, then nag-react yung kabila, nag-react din siya, hanggang umabot na din sa pagsaksak," ayon kay Police Lieutenant Colonel Edmundo Cerillo Jr., hepe ng Daraga Police Station.

Nasa kostudiya na ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News