Nasawi ang isang 82-anyos na babae matapos na mabundol ng wing van at mabagok ang ulo habang tumatawid sa pedestrian lane sa Minglanilla, Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Asuncion Doque, residente ng Barangay Lower Lipata.

Nasugatan din ang anak ni Doque na si Estela Trason, 58-anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente nitong Martes ng hapon sa Barangay Linao.

Magkasama ang mag-ina na tumatawid sa pedestrian lane nang mahagip sila ng wing van na nag-overtake sa mga sasakyan na papakaliwa.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita na humampas ang ulo ng mga biktima nang matumba matapos mahagip ng wing van.

Nasa kostudiya ng mga awtoridad ang driver ng van na nahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting to homicide and physical injuries.

Nais naman ng mga kaanak na managot ang driver, at nanawagan sila sa mga motorista na igalang ang pedestrian lane. --FRJ, GMA Integrated News