Walang saplot at may laslas sa leeg nang makita ang bangkay ng isang 17-anyos na babae sa Cadiz City, Negros Occidental. Ang suspek sa krimen, ang itinuturing lolo ng biktima.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabing humingi ng tulong ang pamilya ng biktima sa barangay para hanapin ang dalagita nang hindi ito nakauwi sa bahay noong Linggo ng gabi.

Nakita sa tabi ng katawan ng biktima ang isang itak na hinihinalang ginamit sa krimen.

Suspek sa krimen ang ama ng amain ng biktima, o kinikilala niyang lolo.

Ayon sa pamilya ng biktima, nagduda sila sa suspek nang bigla itong umalis nang mawala ang dalagita.

Nahuli naman ang suspek nitong Martes pero hindi pa siya nagbigay ng pahayag.

Desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng reklamo laban sa suspek.-- FRJ, GMA Integrated News