Nasawi ang isang 18-anyos na babaeng estudyante matapos na salpukin ng isang SUV ang sinasakyan niyang tricycle sa Nueva Ecija. Ang 68-anyos na driver ng SUV, nakatulog umano habang nagmamaneho.

Sa ulat ni Jeric Pasilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Angelica Fernando.

Sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Barangay Mabini Homesite sa Cabanatuan City, makikita ang SUV na minamaneho ni Serbando Eusebio, na biglang lumihis ng  takbo at nabangga ang kasalubong na isang kotse at dalawang tricycle.

Isa sa dalawang tricycle ang sinasakyan ni Fernando.

Walong iba pa ang sugatan, kabilang ang driver ng SUV.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nakatulog umano si Eusebio kaya nangyari ang insidente. -- FRJ, GMA Integrated News