Sumuko na sa pulisya sa Batangas nitong Martes ang isa pang suspek sa pagkawala ni Catherine Camilon na si Jeffrey Magpantay, ang sinasabing driver-bodyguard ni Police Major Allan De Castro.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, sinabing sinamahan si Magpantay ng kaniyang asawa sa pagpunta sa himpilan ng pulisya sa Balayan.
Si Magpantay ang itinuturo ng mga saksi na nakita umanong nagmamando sa mga taong bumuhat sa walang malay at duguan na si Camilon habang inililipat ng sasakyan.
Sa pagsuko ni Magpantay, umaasa ang ina ni Camilon na si Rose na magsasalita ito at kakaroon na ng linaw sa pagkawala ng kaniyang anak.
"Nandoon yung takot pero nandoon ang pag-asa ko na magkakaroon ng linaw kung nasaan ang aming anak. At sana ok lang ang lahat," sabi ni Rose.
Isinagawa rin kanina sa Batangas City Hall of Justice ang ikalawang preliminary investigation sa kaso ng pagkawala ni Camilon.
Hindi pa rin dumalo si De Castro pero nagsumite nagsumite ng counter affidavit ang kaniyang abogado na si Ferdinand Benitez.
Ayon kay Benitez, mayroong lagnat ang kaniyang kliyente.
Binatikos naman ni Rose ang hindi pagpapakita ni De Castro sa pagdinig.
Sinasabing karelasyon ni Camilon si De Castro.
"Pinapatunayan lang niya na hindi siya tunay na lalaki. Hindi niya hinaharap kung ano ang inaakusa sa kaniya. Wala siyang ipinapakita kundi yung abogado niya, pero yung sarili niya hindi niya dinadala. Wala siyang paninindigan bilang isang lalaki," sabi ng ginang.-- FRJ, GMA Integrated News