Mahigit dalawang buwan muna nang makagat ng pusa noong Oktubre, pumanaw nitong nakaraang Biyernes ang isang lalaki sa Laoag City, Ilocos Norte dahil sa rabies.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing October 28, 2023 nang makagat ng pusa ang 51-anyos na biktima na si Arnel Marcos.
Ayon sa asawa ni Marcos na si Malou, hindi kaagad nagpatingin sa duktor ang kaniyang mister at sa halip ay nag-self- medication.
Matapos umanong hugasan ang sugat o kagat ng pusa, nilagyan umano ito ng kaniyang mister ng katas ng papaya.
Nobyembre 2 na nang magpaturok ng anti-rabies at mabigyan ng antibiotics sa ospital si Marcos.
Pero pagkaraan ng isang buwan, may naramdaman umano ang kaniyang mister gaya ng panghihina ng katawan kaya muli itong nagpatingin sa duktor. Subalit hindi umano nito nasunod ang nakatakdang mga schedule ng follow-up check up.
Hanggang sa napansin na lang umano ni Marcos na nagkakaroon siya ng takot sa tubig nang minsan iinom noong Enero 3.
Ayon kay Malou, muli silang bumalik sa ospital at doon nakumpirma na positibo si Marcos sa rabies.
Pumanaw ang biktima noong Biyernes.
Samantala, isang 17-anyos na binata rin ang nasawi sa rabies sa Pototan, Iloilo.
Ayon sa ama ng biktima, dumain ang kaniyang anak noong Disyembre 31 na nahihirapan siyang huminga at hindi makainom ng tubig.
Dinala ang biktima sa ospital at nakitaan ng sintomas ng rabies tulad ng pagkatakot sa liwanag, tubig at nagiging mabagsik.
Pumanaw ang binatilyo noong Jan. 4.
Binigyan naman ng bakuna na anti-rabies ang 100 katao na kaniyang nakasalamuha.
Ayon sa Department of Health, mayroong 368 cases ng rabies noong 2023, na mas mababa sa 391 cases na naitala noong 2022.
Payo ng DOH sa mga makakagat o nakakalmot ng hayop, hugasan ang sugat ng sabon, i-disinfect ang sugat gamit ang alcohol o iodine solution, at magpatingin agad sa duktor at magpabakuna.
Obserbahan din ang hayop na nakakagat kung may pagbabago sa ugali nito o sintomas ng rabies sa loob ng 14 na araw.
Kung may makikitang sintomas, i-euthanize ang hayop at ipasuri ang ulo nito sa laboratoryo. — FRJ, GMA Integrated News