Patay ang isang mag-ama sa Mulanay, Quezon matapos pagtatagain sa loob ng kanilang bahay, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes mula sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog.

Sa kusina ng bahay natagpuan ang duguang bangkay ng amang si Dominador Constantino habang nakita naman ang bangkay ng anak na si Rodelio may 200 metro mula sa kanilang bahay.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, dating kinakasama ng isa pang anak ni Dominador ang suspek. 

Kuwento raw ng asawa ni Dominador, pumunta ang suspek sa bahay nila at nanghiram ng itak. Napansin na raw nila noon na kakaiba ang kilos ng suspek.

Umalis daw ang misis ni Dominador at pagbalik ay doon na niya nakitang duguan ang mga biktima.

"Ang una lamang po naming nakikita ay nagagalit itong suspek dahil ayaw nang makipagbalikan sa kaniya noong kaniyang dati nang kinakasama," ani Police Major Marlon Comia, hepe ng Mulanay Police.

Sinubukan daw magpalipat-lipat ng lugar ang suspek sa Pasig at Rizal hanggang sa siya ay sumuko. Nasa kustodiya na siya ngayon ng Mulanay Police at nahaharap sa kasong pagpatay.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunin ang pahayag ng suspek at ng pamilya ng mga biktima. —KBK, GMA Integrated News