Dead on arrival sa ospital ang isang rider na babae matapos siyang mabangga ng isang SUV sa Batangas City. Ang driver ng SUV, hinihinala ng awtoridad na nasa impluwensiya ng alak.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing galing sa pamamalengke ang 52-anyos na biktima sa Batangas City, at pauwi na sa Bauan, Batangas nang masalpok siya ng SUV kaninang madaling araw.

Residente naman sa Quezon City ang 27-anyos na driver ng SUV.

Ayon sa pulisya, lumilitaw sa imbestigasyon na posibleng nakainom ng alak ang driver ng SUV.

Inihayag din ng awtoridad na nagdesisyon umano ang pamilya ng biktima na huwag munang magsampa ng reklamo laban sa driver ng SUV batay sa naging pag-uusap ng magkabilang panig.

"For the meantime hindi na muna maghahabla o magpa-file ng complaint ang relatives ng biktima hanggang hindi pa po natatapos ang burial po ng kanilang...yung pong biktima," ayon kay Police Leiutenant Ragemer Hermidilla, Batangas City Police.-- FRJ, GMA Integrated News