To the rescue ang mga pasahero ng isang bus na patungong Ilocos Norte nang biglang humingi ng tulong ang isang buntis na kapuwa nila pasahero.
Sa ulat ni Gab De Luna sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, napag-alaman na galing Maynila ang bus at patungong Laoag City, Ilocos Norte.
Pero pagsapit sa La Union, sinabi ng driver ng bus na si Rolly Queja, na sumakay ang babae na hindi niya napansin na buntis.
Habang nasa biyahe, biglang humingi ng tulong ang babae dahil dahil pumutok na umano ang kaniyang "panubigan."
Kaagad naman siyang inalalayan ng mga kapuwa niya pasahero.
'Parang lalabas na siya’, sabi niyang ganon. Tiningnan ko lalabas na talaga ‘yung head ng bata. First time kong nakahawak ng baby at makapagpaanak doon sa bus," sabi ni Angie Valdez Molina, isa sa mga tumulong sa buntis.
Bago pa makarating sa isang ospital sa San Fernando, La Union, lumabas na ang sanggol na isang malusog na lalaki.
Nasa ligtas na kondisyon na ang mag-ina sa ospital.
Nagpasalamat naman si Queja sa mga pasaherong tumulong sa buntis, na hindi na nila nakuha ang pangalan dahil sa pagkataranta. —FRJ, GMA Integrated News