Naudlot ang pag-aayos ng problema ng isang pamilya sa Cotabato City matapos magkaroon ng pamamaril sa lugar kung saan isa ang naitalang patay.

Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes mula sa GMA Regional TV One Mindanao, may mga dumating na armadong lalaki at nagpaputok habang nag-uusap ang mga miyembro ng pamilya Sinsuat.

Patay ang isang police escort ni Mayor Lester Sinsuat.

Naharang naman ng mga pulis ang isang SUV na nagtangka raw tumakas mula sa lugar. Hinuli ang apat nitong sakay kabilang ang isang sundalo. Nakumpiska sa kanila ang mahigit 10 armas.

Nagsagawa rin ng operasyon ang pulisya sa isang compound kung saan nanggaling umano ang putukan batay sa testimonya ng isang kaanak ng pamilya Sinsuat.

Ilang basyo ng bala at mga baril ang na-recover mula sa nasabing compound.

Inaalam pa ang motibo sa insidente.

Binubuo ang pamilya Sinsuat ng ilang dati at kasalukuyang opisyal sa lalawigan. —KBK, GMA Integrated News