Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 65-anyos na babae na tinaga at pinugutan ng ulo sa kaniyang tindahan sa Agusan del Sur. Ang ulo ng biktima, binitbit ng suspek at "iniregalo" sa kaniyang mga kainuman.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang karumal-dumal na krimen sa Barangay Cayanugan, Bayugan City noong Martes ng tanghali.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakikipag-inuman ang 48-anyos na suspek na si Mario Fortun bago gawin ang krimen.
"Bigla siyang [suspek] umalis, nag-iwan ng salita sa mga kainuman na, 'Gusto niyo ng regalo? Kasi bibigyan ko kayo sandali lang.' Pumunta siya sa bahay ng victim, pumasok siya sa tindahan which is doon lang din ang bahay ng victim. May dala-dala siyang bolo, tinaga, at ayun na, pinugutan ng ulo ang victim," ayon kay Police Lieutenant Colonel Shalom Faye Cornelio, hepe ng Bayugan Police Station.
Mag-isa lang sa tindahan ang biktima nang mangyari ang krimen.
Ang ulo ng biktima, kinuha ng suspek at dinala sa mga kainuman na 200 metro ang layo sa tindahan.
"Bumalik siya [suspek] sa farmer's building, dala-dala niya ang ulo at sabi niya, 'Andito na ang regalo ko sa inyo," ayon kay Cornelio.
Napag-alaman na mayroon alitan ang suspek at ang biktima.
"Konting alitan lang dahil sa bulaklak ng victim, sagabal daw sa dinadaanan ng suspek. Nagalit ang suspek ang bulaklak [ng victim] may mga tinik. In response sinabihan daw [ni victim] si suspek na magnanakaw," sabi pa ni Cornelio
Lumitaw na may mga dati nang kaso ang suspek kabilang ang paggamit ng ilegal na droga. Isasailalim siya sa drug test para alamin kung lango siya sa droga nang gawin ang krimen. -- FRJ, GMA Integrated News