Binaril at napatay ng salaring sakay ng motorsiklo ang isang barangay kagawad sa Mangaldan, Pangasinan. Ang suspek na tubong Candelaria, Quezon, naaresto.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Romeo Del Campo, 43-anyos, kagawad ng Barangay Guilig, Mangaldan.

Lulan ng SUV si Del Campo, kasama ang ilang kaanak nang barilin siya ng suspek na sakay ng motorsiklo na si Deo Gapulao Quilan, na tubong-Candelaria, Quezon.

Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Salay, nakita na inabangan ng suspek at sinundan ang biktima hanggang sa mangyari ang pamamaril.

Isinugod sa ospital si Del Campo pero idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.

Nagawa namang habulin ng mga pulis ang suspek hanggang sa masukol ito at mahuli.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo at posibleng utak sa krimen.-- FRJ, GMA Integrated News