Naging madugo ang pagsalubong sa bagong taon ng isang pamilya sa Tayabas, Quezon matapos pagbabaril at mapatay ang mag-amang biktima, habang isa pa ang sugatan.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, kinilala ang mga nasawi na sina Elgelito Ormacido, at anak niyang si Joselito.
Sugatan din pero nakaligtas ang isa pang anak ni Elgelito na si Rico.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pinagbabaril ang mga biktima sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Isabang.
"'Yung isang suspek pumunta sa bahay ng biktima. After noon, lumabas yung mga biktima at 'yon, ayun doon sa imbestigasyon natin, paglabas ay nagkaroon na ng putukan," ayon kay Police Leiutenant Colonel Bonna Obmerga, hepe ng Tayabas City Police.
Tatlo umano ang bumaril sa mag-aamang biktima, habang tatlo pa ang nagsilbing lookout.
Nadakip sa follow-up operation ang lima sa mga suspek, na pawang mga kamag-anak ng mga biktima.
Dating hidwaan at away sa lupa ang tinitingnan motibo sa krimen.
Ayon kay Obmerga, itinanggi ng mga suspek ang paratang.
"Di umano ay sila pa ang tinaga, yung tatay nila kung kaya humantong sa ganoong insidente," anang opisyal.
Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng mga suspek at pamilya ng mga biktima.-- FRJ, GMA Integrated News