Nasawi ang isang limang taong gulang na bata matapos malapnos ang kaniyang tiyan at hita dahil sa pinaglaruan umanong alcohol sa Ilocos Norte.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon na naglaro ang biktima kasama ang kapatid sa likod ng kanilang bahay sa Banna.

Tinapon ng magkapatid ang isang galon ng alcohol at sinindihan kaya ito sumabog.

Naapektuhan ang biktima dahil sa lakas ng apoy, samantalang hindi nasugatan ang kaniyang kapatid.

Hindi na dinala sa ospital ang biktima at nilapatan lang ng paunang lunas.

Ngunit kinaumagahan, nagsimula nang magsuka ang biktima at itinakbo sa ospital ngunit idineklara siyang dead on arrival. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News