Nasawi ang isang lalaki matapos siyang masabugan sa mukha ng pailaw na kaniyang hinipan nang hindi agad ito pumutok sa Pamplona, Camarines Sur.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente habang sinasalubong ng 57-anyos na biktima ang Bagong Taon.

Hindi agad pumutok ang nasabing pailaw nang sindihan ito ng biktima.

"In-attempt niya na hipan, hindi niya alam na sustained pa pala kaya nasurpresa siya sa mukha," sabi ni Police Captain Dulcesimo Alcantara Jr., DCOP, Pamplona MPS.

Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Bukod sa kaniya, 60 na ang biktima ng samu't saring paputok sa Bicol Region, ayon sa Bicol Police, kabilang ang ilang may edad at bata.

Sinabi naman ng Department of Health na nasawi rin ang isang 38-anyos na lalaki sa Ilocos Region matapos magsindi ng sigarilyo malapit sa imbakan ng mga paputok.

Aabot na sa 557 ang fireworks-related injuries sa kabuuan sa bansa. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News