Patay ang isang pulis na nagpanggap na buyer ng ilegal na droga matapos siyang barilin ng isa sa dalawang drug suspects na nakatunog na operatiba siya sa isinagawang buy-bust operation sa Camarines Sur. Ang kaanak ng biktima, kinuwestiyon kung nasaan ang ibang pulis para nasaklolohan sana siya kaagad.
Sa ulat ni Cris Novelo sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Huwebes, kinilala ang nasawing pulis na si Police Staff Sergeant Richard Rodero ng Tinambac Police Station.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita si Rodero na mag-isang nakikipagtransaksyon sa mga suspek sa gilid ng national highway sa Baao, Camarines Sur.
Nang matunugan ng isa suspek na pulis si Rodero, nagpaputok ito ng baril at parehong natumba ang pulis at ang isa pang suspek.
Ilang beses pang nagpaputok ang suspek bago tumakas.
Parehong nagtamo ng tama sina Rodero at ang isang suspek, pero hindi na nakaligtas ang pulis at binawian ng buhay.
Dismayado naman ang mga kaanak ni Rodero sa nangyaring operasyon at kinuwestiyon kung nasaan ang mga kasama nitong pulis na backup.
"Grabe po talaga kuta an kahaputan ko sainda kung anong nangyari, sisay an mga kairibanan tano ta arog kato, nakatukaw na po siya di ibig sabihon po kuta kato’y may backup na lamang na mag-abot," ayon kay Michelle Cerenio, kapatid ni Rodero.
Ipinaliwanag naman ni Police Capt. Marlon Lladoc, spokesperson ng Camarines Sur Police Provincial Office, na may back-up team sa mga buy-bust operation pero nasa distansiya upang hindi magduda ang pakay ng operasyon.
“Lagi pong may backup tayo kapag nagsasagawa ng buy bust. Although, kita niyo… hindi siya puwedeng sobrang lapit dun sa sinasagawang transaksyon para hindi naman magduda yung nagbebenta na may umaaligid sa kaniya," ayon kay Lladoc.
Tiniyak naman ng mga awtoridad sa pamilya ni Rodero na makakamit nito ang hustisya sa pagtuloy na pagtugis sa nakatakas na suspek na kinilalang si Allan Sumayao.
Naka-half-mast ang watawat sa provincial command ng Camarines Sur Police bilang pagluluksa sa pagkamatay ni Rodero.--FRJ, GMA Integrated News