Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin sa loob ng kaniyang bakuran sa Talisay City, Cebu. Ang suspek sa krimen, ang lalaking may utang umano ng P3,000 sa biktima.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Hermogenes Reyes, 55-anyos.
Sa kuha ng CCTV camera sa bakuran ni Reyes, makikita na abala ang biktima sa paghahanda ng mga niyog na kakayurin nito.
Pero habang nakatalikod ang biktima, dumating ang salirin na may hawak na timba kung saan nakatago ang baril.
Ilang saglit pa, pinaputukan na nito ng isang beses ang biktima. Gayunman, nagawa pa ni Reyes na makalingon at binato ng hawak niyang itak ang tumakbong suspek.
Pero tuluyang nakalayo ang suspek, habang bumagsak na ang biktima dahil sa tinamo nitong tama ng bala.
Bago umano bawian ng buhay, nasabi ng biktima sa kaniyang asawa kung sino ang bumaril sa kaniya.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nagbebenta ng bibingka ang suspek at may pagkakautang umano ng P3,000 sa biktima.
Posible umanong nagalit ang suspek nang singilin ito ng biktima sa kaniyang utang.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang salarin. --FRJ, GMA Integrated News