Hindi nakaligtas sa disgrasya ang isang 23-anyos na babae kahit pa sa pedestrian lane siya tumawid matapos na masalpok siya ng humaharurot na truck sa Tiaong, Quezon.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Lusacan ang biktimang tinawag na si "Apple" at isang kaibigan na tumawid sa pedestrian lane noong Martes.
Pero biglang sumulpot ang isang truck kaya napatakbo ang dalawa. Nakaligtas ang isa pero inabot ng truck si Apple at duguan siyang humandusay sa kalsada.
"Hindi naman siya totally madilim, Sir, kasi maliwanag din naman at visible din 'yung pedestrian lane doon sa pinangyarihan [ng insidente]," ayon kay Patrolman Fortunato Mercado Jr., imbestigador sa Tiaong Police Station.
"Nagulat po sila na nangiyan na po agad yung truck kaya napatakbo sila sa pagtawid. Sad to say au nahagip pa rin si Apple Mae ng truck," dagdag ng pulis.
Ayon sa pulisya, galing sa pamamasyal sa Laguna ang dalawa nang mangyari ang trahedya. Samantala, galing naman ng Bicol ang truck at papunta sana sa Laguna.
Tumigil naman ang truck matapos ang insidente. Sasampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide ang driver nito. — FRJ, GMA Integrated News