Umiyak na tila humihingi ng tulong ang isang bagong silang na sanggol na inabandona hanggang sa makita sa madamong bahagi ng masukal na lugar sa Daraga, Albay.
Sa ulat ni Cris Nobelo sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nakita ng mga residente ang sanggol isang araw bago magpasko sa Barangay Anislag.
Kuwento ni James Marinay, una siyang nakarinig ng iyak ng sanggol na inakala niya noong una na tiyanak.
"Oo akala ko tiyanak. Kaya nga nung narinig ko, pupuntahan ko nawawala yung iyak. Pag-alis ko nang kaunti, iiyak na naman," ayon kay Marinay.
Sa tulong ng iba pang residente, nahanap ang sanggol sa madamong bahagi ng masukal na lugar na nakadapa, walang sapin ang katawan at hindi pa napuputol ang pusod.
Matapos malinisan ang sanggol, agad nilang inireport sa mga awtoridad ang insidente at dinala ang bata sa ospital.
Ayon kay Konsehal Che Biato, malusog at maayos ang lagay ng sanggol na may timbang na tatlong kilo.
Mananatili ang sangol sa kostudiya ng municipal social welfare and development office.
Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang mga awtoridad para matukoy kung sino ang ina ng sanggol at kung sino ang nag-iwan sa bata sa naturang lugar.-- FRJ, GMA Integrated News