Patay ang isang rider matapos na sumemplang ang minamaneho niyang motorsiklo at mahagip siya ng kasalubong na bus sa Ilocos Norte. Ang rider, napag-alaman na natumba makaraang may mabundol na lalaking tumatawid sa kalye.

Sa ulat ni Gab De Luna sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang nasawing rider na si Eduardo Taan Jr., 34-anyos.

Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Poblacion sa Sto Domingo, makikita ang pagtumba ng motorsiklo ng biktima makaraang mabundol ang lalaking tumatawid.

Nagkataon naman na natumba siya patungo sa bahagi ng kabilang linya ng kalsada at nagkataon na may kasalubong na bus na nakasagasa sa kaniyang ulo.

Kaagad na nasawi ang rider habang inoobserbahan naman sa ospital ang 69-anyos na lalaki na kaniyang nabundol.

Humihingi ng tulong ang kaanak ng nasawing rider, habang nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng bus na hindi na nagbigay ng pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News