Isa ang nasawi nang masunog ang municipal court sa Minglanilla, Cebu na sinasabing sinadya ng isang empleyado habang nasa loob siya, kasama ang hukom at iba pang katrabaho.
Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni Chief Justice Alexander Gesmundo na lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na sinadya ang nangyaring sunog nitong Martes ng hapon.
“Medyo problematic ang naging sitwasyon kasi court employee ‘yung nag-umpisa nung sunog… May problema yata siya so ni-lock niya ‘yung pinto nung court at sinindihan niya ‘yung mga records,” anang punong mahistrado batay sa natanggap niyang ulat mula sa pulisya.
Ayon kay Gesmundo, nakaligtas ang mga biktima na kawani ng korte na dinala sa ospital. Nasawi naman ang kawani na nagsimula umano ng sunog.
Nakipag-ugnayan na umano ni Germundo ang hukom ng Minglanilla tungkol sa tulong na maibibigay sa kanila ng Supreme Court.
“We’re addressing it. In fact, this morning I told the executive judge in the area to assess the situation and to report to me or inform me what assistance we can to extend,” sabi ni Gesmundo.
Sa ulat ng GMA Regional TV News, kinilala ang nasawing suspek na si Jose Mesa Agusto, 60-anyos, mula sa bayan ng San Fernando.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakita umano ni Judge Wilson T. Ibones si Agusto na sinisindihan ang mga dokumento na nasa ilalim ng lamesa.
Isang Darwin Rondina umano ang sinabihan ni Ibones na pigilan si Agusto. Pero inatake umano ni Agusto si Rondina at ang hukom.
Habang nangyayari ang kaguluhan, nagliyab na ang mga papeles na sinindihan ni Agusto, dahilan para lalong magpanic ang iba pang kawani.
Mabuti na lang at narinig ng traffic personnel na si Jay Arvin Pasadas, ang sigaw ng mga tao mula sa loob ng tanggapan.
Sinipa niya ang mga pintuhan sa korte na naka-lock upang mailabas ang mga biktima na ang ilan ay nagtamo ng mga paso sa katawan.
Idineklarang dead on arrival sa ospital si Agusto, habang patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang dahilan kung bakit nagawa ng suspek ang krimen.--FRJ, GMA Integrated News