Patay at tadtad ng saksak nang matagpuan ang isang mag-ama sa loob ng kanilang bahay sa Toledo, Cebu, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles mula sa GMA Regional TV Balitang Bisdak.

Kinilala ang mga biktima na sina Zorovavel Edoloerio at anak niyang si Zyphaniah.

Isang kaibigan ni Zyphaniah na kinilalang si Girlie Navarro na nakitulog sa kanilang bahay ang nasaksak din at kritikal ang kondisyon.

Arestado naman ang suspek na si Kevin Avelis, 31, kapitbahay ng mga biktima.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, matagal nang may gusto si Avelis sa isa sa mga anak ni Zorovavel na si Sweetie at nagyaya raw na mag-live in na sila. Tutol daw dito si Zorovavel at ito ang tinitignang motibo ng pulisya sa pananaksak.

Inihahanda na ang mga kasong double murder at frustrated murder laban kay Avelis, na hindi nagbigay ng pahayag. —KBK, GMA Integrated News