Nakabalot sa plastik at halos hindi na makilala ang bangkay ng isang lalaki na ilang araw nang nawawala nang matagpuan sa isang maisan sa Batangas City.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing nakita ang bangkay sa maisan sa Barangay Soro-soro Ilaya.

Hindi na muna pinangalanan ang 51-anyos na biktima na residente ng Rosario, Batangas, pero nagtatrabaho ito bilang tubero sa nasabing barangay.

Kinilala ng isang nagpakilalang pamangkin ang biktima dahil sa suot nito. Huli raw nakitang buhay ang lalaki noong December 3, ayon sa kaniyang mga kamag-anak.

Base naman sa imbestigasyon Police Executive Master Sergeant Edsel dela Cruz, PNCO, Investigator Section, Batangas, CPS, lumalabas na nakipag-inuman ang biktima sa isang residente sa barangay at pagkatapos noon ay hindi na siya nakita.

Nadiskubre ang bangkay nang may maamoy na mabaho ang mga dumadaan sa maisan at hinanap ang pinagmumulan nito.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy kung sino ang pumatay sa biktima na hinihinalang itinapon lang sa maisan ang katawan.-- FRJ, GMA Integrated News