Patay ang isang 37-anyos na lalaki na bibili sana ng pulutan nang mahagip siya ng isang motorsiklo na minamaneho umano ng lasing na rider sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Lawrence Tacolog, na dead on arrival nang dalhil sa pagamutan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, tumatawid ang biktima sa national highway na bahagi ng San Ildefonso nang mabangga siya ng rider, na tumilapon din at dinala sa ospital dahil sa aksidente.
Ayon sa kapatid ng biktima, lumabas si Tacolog para bumili sana ng pulutan.
Sa panayam, sinabi ni Police Corporal Eugene Reboron, duty investigator ng Sto Domingo Police Station, lumabas sa pagsusuri ng duktor na parehong nakainom ang biktima at ang rider.
May kadilimam din umano sa lugar na pinangyarihan ng insidente, at sinabi ng mga saksi na mabilis ang takbo ng motorsiklo.
Napag-alaman pa na walang lisensiya ang rider, na nananatiling nagpapagaling pa dahil sa tinamong pinsala sa katawan.
Desidido naman ang pamilya ng biktima na sampahan ng kaso ang rider. --FRJ, GMA Integrated News