Apat ang nasawi, at anim ang nasugatan sa pagsabog at pagkasunog ng pagawaan ng paputok sa Lapu-lapu City sa Cebu.

Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, kinilala ang mga nasawi na sina Gwendolyn Berdin Lucero, Argie Escobia, Kristian Monsanto, at si Chito Berdin, na may-ari umano ng pagawaan ng paputok.

Mayroon naman umanong license to operate si Berdin para sa naturang negosyo.

Dinala naman sa pagamutan ang mga nasugatan, na ang iba ay nagtamo ng third-degree burns, kabilang ang isang bata na anim na taong gulang.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang ugat ng pagsabog at sunog, kung saan 10 bahay pa ang nadamay.-- FRJ, GMA Integrated News