Nasawi ang isang 82-anyos na ginang na papunta sana sa simbahan matapos siyang masagasaan ng SUV habang tumatawid sa pedestrian lane sa Alaminos, Laguna. Ang driver na nakasagasa, tumakas.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, mapapanood ang CCTV footage na tumatawid sa ang biktima sa pedestrian crossing nang mabundol siya ng SUV madaling araw ng Huwebes sa Barangay San Andres.
Matapos nito, nakaladkad pa ng 20 metro ang biktima. Ang driver ng SUV, humarurot palayo at tumakas.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na patungong simbahan ang biktima na si Yolanda Cuenca para sumama sa prusisyon ng pista ng Barangay San Andres.
Hindi nahagip ang plaka ng nakabanggang SUV sa CCTV kaya naghahanap ang pulisya ng iba pang CCTV sa lugar para matukoy ang sasakyan.
Mahaharap ang SUV driver sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide at abandonment of one’s own victim.
Nanawagan naman ng hustisya ang mga kaanak ng biktima.
“Sana naman po makunsensiya siya sa mama ko kasi hindi biro ‘yung ginawa niya. Tapos iniwan niya, hindi man lang niya hinintuan,” panawagan Flossie Cuenca, anak ng biktima.
“Parang wala po talagang awa ‘yung ginawa niya talaga, parang daga o pusa lang sinagasaan niya,” sabi ni Sharon, anak ng biktima.
Ang isa pang anak ng biktima, hirap tanggapin ang nangyari sa kaniyang ina.
“Napakasakit kasing tanggapin na namatay siya ng ganu’n ganu’n lang,” sabi ni Abdon.
Ayon sa pulisya, accident prone ang naturang bahagi ng Maharlika Highway sa bayan ng Alaminos, isa hanggang dalawang major road crash incidents umano ang kanilang naitatala kada linggo.
Noong Setyembre, isang mag-ina na patawid din sa pedestrian crossing ang nabangga ng van, na ikinasawi ng ina.
Nanawagan ang mga awtoridad sa mga motorista na maging maingat at sundin ang road signages sa lugar. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News