May mabibili nang bigas sa halagang P20 per kilo sa Cebu matapos ilunsad sa lalawigan ang Sugbo Merkadong Barato program nitong Martes. Gayunman, para lang sa mahihirap na pamilya ang nasabing murang bigas.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, inilunsad ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang programa sa Talisay City, kasama si House Speaker Martin Romualdez.

Ang murang bigas ay mula sa National Food Authority (NFA), na pinondohan ng pamahalaang panlalawigan ng P100 milyon.

Ang programa ay tulong umano ng pamahalaang panlalawigan sa mga mahihirap na pamilya at suporta sa layunin ni Pangulong Ferdinand "Bongbong"Marcos Jr., na maibaba sa halagang P20 per kilo ang bigas sa bansa.

Ang mga mahihirap na pamilya ay tutukuyin ng lokal na pamahalaan para maging kuwalipikado na bumili ng murang bigas sa ilalagay na mga pop-up store na katulad ng Kadiwa sa iba't ibang lugar sa lalawigan.

Maaaring bumili ang mga kuwalipikadong pamilya ng hanggang limang kilo ng bigas sa loob ng isang linggo.

Aminado naman si Garcia na kailangan ng NFA ng suporta para maipagpatuloy ang programa dahil limitado na rin lang ang kakayahan nito na bumili ng bigas sa lokal na magsasaka, at pinagbabawalan na ang ahensiya ng umangkat ng bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law.

"The supply hugely depends on Regions 4 and 6 because with the rice tariffication law, the NFA is no longer permitted to import rice and must purchase its rice domestically. Well and good, that really will support our farmers," ani Garcia.

"But with a program like this that needs at least 15,000 to 25,000 bags of rice per week, this program cannot be sustained unless NFA can be given the chance to put up the needed stocks for the P20 per kilo which, of course, will touch so many struggling Cebuanos," dagdag ng gobernador.

Nangako naman si Romualdez na hahanap ito ng paraan para masuportahan ang NFA at ang programa ng Cebu.

Sa kaniyang Facebook page, binati ni Romualdez si Garcia sa naturang programa na nagpapakita na kayang magawa ang mithiin na maibaba sa P20 per kilo ang bigas sa bansa.

"Ang House of Representatives ay handang tumulong upang ang magandang simulain at programa na ito ng probinsiya ng Cebu ay maihatid at mapatupad natin sa lahat ng probinsiya sa bansa para kapakanan ng ating mga kababayan," ayon kay Romualdez. -- FRJ, GMA Integrated News