Isang estudyante sa Dingras, Ilocos Norte ang nanaksak ng kapwa niya estudyante sa loob mismo ng eskuwelahan, ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes.
Batay sa imbestigasyon, sinaksak ng isang Grade 9 student ang nakaalitan niyang Grade 8 student habang break time.
Isinugod sa ospital ang biktima na nasa ligtas nang kalagayan ngayon, habang isinailalim naman sa counseling ang nanaksak na estudyante.
"Gumawa kami ng intervention plan para ma-monitor ang behavior ng bata. We also advised the parents na tignan mabuti 'yung anak, 'yung mga activities," ani Jesannie Gay-ya, officer ng Municipal Social Welfare and Development Office ng Dingras.
Nagsagawa naman ng debriefing ang pamunuan ng Dingras National High School. Plano rin ng eskuwelahan na bumili ng metal detector para mapigilan ang pagpasok ng anumang bladed weapon sa loob ng paaralan.
Inaalam pa ang pinagsimulan ng away ng dalawang estudyante. —KBK, GMA Integrated News