Maaksyon ang pakikipagbuno ng dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard habang dinadakip ang isang lalaking nag-amok sa loob ng barko at gumawa pa ng bomb threat sa Port of Bongao sa Tawi-Tawi.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nangyari ng insidente noong Nobyembre 22.
Batay sa PCG, sumakay ng RoRo ang lalaki, na nag-amok sa loob ng barko, at nagtangka pa sa buhay ng isa sa mga pasahero.
Habang inaawat, sinuntok pa ng suspek ang naka-duty na sea marshal, at sinubukang agawin ang baril nito.
Dahil dito, tumugon ang dalawang kawani ng PCG na kinilalang sina CG SN1 Christian Leden Marquez at CG SN1 Elmer Dacanay para arestuhin ang lalaki.
Habang dinadakip ng mga tauhan ng PCG, pumalag ang lalaki.
Sa gitna ng pakikipagbuno sa mga awtoridad, biglang nagsabi ang suspek na may itinanim siyang bomba sa loob ng RoRo.
Agad pinababa ang mga sakay ng naturang barko at isinagawa ang pagsusuri ng mga miyembro ng Coast Guard K9 Unit-BARMM.
Sinuyod nila ang barko upang hanapin ang mga itinanim umano na bomba ngunit sa huli, walang silang nakitang bomba.
Dinala sa presinto ang suspek, na nahaharap sa patong-patong na kaso.
Pinuri ng PCG ang kanilang mga tauhan sa naging tugon ng mga ito sa insidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News