Naaresto sa entrapment operation sa Pangasinan ang mag-live in partner na ibinenta ang kanilang three-week-old baby sa isang undercover agent ng National Bureau of Investigation (NBI). Bago nito, nag-post muna ang mga suspek sa social media na "for sale" o adoption ang sanggol sa halagang P300,000.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing isinagawa ang paghuli sa dalawa sa Alaminos City, Pangasinan.
Kinilala ang mga suspek na sina Reynante Ladaran at Margie Lauag, tubong-Kalinga.
Ayon Atty. Fabienne Matib, Agent in Charge ng NBI-Alaminos District Office, nag-post muna sa social media ang mga suspek na for sale o adoption ang kanilang sanggol sa halagang P300,000.
Ikinabahala ito ng non-governmental organization na Project Rescue Children, na nakipag-ugnayan sa NBI, at ikinasa ang operasyon.
Isang ahente ng NBI ang nagpanggap na buyer ng sanggol at agad na dinakip ang dalawa nang tanggapin na nila ang markadong pera.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-trafficking in Person Act.
Dinala ang sanggol sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development, habang sinisikap pang makuhana ng ang mga suspek, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News