Nasawi ang apat na bata na natutulog nang sumiklab ang sunog mula sa boundary ng Upper Barangay Tisa at Barangay Banawa sa Cebu City. Tatlo sa mga biktima ay magkakapatid.
Sa ulat ng Super Radyo Cebu nitong Huwebes, na iniulat din sa Balitanghali, inilahad ng tiyuhin ng mga biktima na natutulog sila sa itaas na palapag ng bahay nang maganap ang sunog.
Dagdag ng tiyuhin, hindi na niya nagawang iligtas ang mga pamangkin na mga edad isang-taong-gulang, anim na taon, walong taon, at 11-buwang-gulang.
Tatlo pa ang sugatan sa sunog.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng Bureau of Fire Protection sa pinagmulan ng apoy.
Sa Facebook post ng GMA Regional TV News, makikita naman ang pagtangis ng nagdadalamhating ama ng tatlo sa mga biktima.
Kaagad na umuwi mula sa trabaho ang padre de pamilya nang mabalitaan ang sunog sa kanilang bahay dakong 6:00 am.
Mistulang gumuho ang mundo ng ama nang makumpirma ang sinapit ng mga bata. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News