Binaril at napatay sa loob ng kaniyang sasakyan ang dating alkalde ng Cateel, Davao Oriental. Nangyari ang krimen sa Davao City nitong Miyerkoles ng umaga.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV One Mindanao, kinilala ang biktima na si Giselo Velasco Castillones, na naging alkalde ng Cateel mula 1983 hanggang 1986.
Nangyari ang pamamaril dakong 10:00 am sa labas ng isang fastfood sa Barangay Buhangin sa Davao City.
Sugatan na isinugod sa ospital si Julie Castro, na nagmamaneho ng sasakyan.
Nakaupo sa tabi ni Castro sa passenger seat si Castillones, na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Ayon sa saksi, isang lalaki ang nakita niyang bumaril sa biktima.
Kaagad na nagtungo sa pinangyarihan ng krimen si Davao Oriental Representative Nelson Dayanghirang.
Aniya, matagal na niyang kaalyado sa pulitika si Castillones.
Nanawagan siya sa kapulisan na lutusin ang krimen.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at aalamin kung may kaugnayan sa pulitika ang pagpatay kay Castillones.-- FRJ, GMA Integrated News