Patay sa tama ng mga bala sa katawan ang isang bagong halal na punong barangay sa Aritao, Nueva Vizcaya.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Rolando Sirapol ng Barangay Calitlitan.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na nakaupo at may kakuwentuhan sa loob ng kaniyang bahay nang biglang dumating ang salarin at ilang ulit siyang pinagbabaril.

Tumakas ang salari sakay ng motorsiklo, habang idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang biktima.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen, at kasama sa isinasagawang imbestigasyon ang usapin ng pulitika.

Ayon sa mga kaanak, wala silang alam na nakaaway ng biktima o kung may banta sa buhay sa kaniyang buhay bago nangyari ang krimen.-- FRJ, GMA Integrated News