Patay ang dalawang negosyante na pasahero ng isang bus matapos silang pagbabarilin habang nasa biyahe sa Carranglan, Nueva Ecija.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, makikita sa video na kuha mula sa camera ng bus na biyaheng pa-Maynila na nakaupo ang unahang bahagi na malapit sa driver ang mga biktima.

Dalawang salarin naman na galing sa likod na bahagi ng bus ang tumayo at lumapit sa dalawang biktima at malapitan silang binaril sa ulo at leeg.

Matapos ang krimen, pinahinto ng mga salarin ang bus at bumaba ang mga ito.

Sa panayam ng Super Radio dzBB sa hepe ng Carranglan Police, sinabing sumakay umano ang mga biktima sa Cauayan City sa Isabela.

Habang sa Bayombong sa Nueva Vizcaya naman umano sumakay ang dalawang salarin.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring krimen.--FRJ, GMA Integrated News