Nasawi ang isang 26-anyos na babae matapos na mahulog mula sa sinasakyan niyang motorsiklo at magulungan ng truck na nakabangga sa kanila sa Calauag, Quezon.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente nitong Martes ng hapon sa Barangay Binutas.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nakaangkas ang biktimang si Judy Anne Laude, at anak nito na tatlong-taong-gulang, sa motorsiklo na minamaneho ng kaniyang mister, nang mabangga sila ng truck na nawalan umano ng preno.

"Pagkatama doon sa likod (ng motorsiklo) ay nahulog yung babae na kalaunan ay nagulungan ng truck na kaniyang ikinasawi," ayon kay Police Corporal Arnel Santuyo, imbestigador ng Calauag Police Station.

Nabangga rin ng truck ang isang nakaparadang motorsiklo at isang tindahan ng buko na nasa gilid ng daan.

Ayon sa awtoridad, wala na sa kanilang kostudiya ang driver ng truck dahil nagkaroon na umano ng pag-uusap ang magkabilang panig.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News