Binugbog at binaril umano ng isang estudyanteng lalaki ang kaniyang kaklase at nobya sa parking lot ng kanilang unibersidad sa Tuguegarao City, Cagayan.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing dinala sa ospital ang sugatang biktima na isang third year Medical Technology student.

Nakita siyang duguan na nakahandusay sa parking lot ng St. Paul University Philippines (SPUP) Tuguegarao dakong 5:30 p.m. nitong Lunes.

Isinuko naman ng ama sa pulisya ang suspek na si Kristian Rafael Ramos.

Bago ang pamamaril, may nakakita umano sa suspek na binubogbog ang biktima sa loob ng kotse.

Pero nang tangkain umano ng isang security guard at library staff na tulungan ang kolehiya, nanutok umano ng baril ang suspek.

Inihayag naman ng pamunuan ng paaralan na nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad at kontrolado na ang sitwasyon.--FRJ, GMA Integrated News