Patay ang isang ginang, habang sugatan ang kaniyang mister at dalawa nilang anak nang mabangga ng isang pampasaherong bus ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Kalinga.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, kinilala ang nasawi na si Joy Alos, habang sugatan ang kaniyang mister, ang dalawa nilang anak na edad walo at sampu, na nakalabas na ng ospital.

Ayon sa pulisya, pauwi na galing sa lamay ang mag-anak nang mabangga ng bus ang kanilang motorsiklo sa national road sa Barangay Lacnog sa Tabuk City.

"Itong bus, mag-o-ovetake sana sa motorsiklo. Pero itong motorsiklo biglang nag-turn left dahil papunta sila sa bahay nila. Galing kasi sila sa lamayan diyan sa Dananao,"  ayon kay Police Captain Ruff Manganip, spokesperson, Kalingan-PPO.

Wala umanong suot na helmet ang mga sakay ng motorsiklo nang mangyari ang insidente.

Sumuko sa pulisya ang driver ng bus na nakilalang si Diosdado Valdez.

Nakita naman sa video ang ilang kalalakihan na binasag ang windshield ng nakadisgrasyang bus.
Iniimbestigahan na umano ng pulisya ang insidente.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at ang driver ng bus, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News